Tadahana Na Tayo Ang May Gawa

May istorya akong nais ibahagi sa'yo.
Mga pangyayari na nagpabago ng buhay ko, at mga bagay na natutunan ko mula rito. Kung matatandaan mo ang una nating pagtatagpo, ika'y ipinakilala sa akin ng matalik mong kaibigan. Oo, doon 'yun sa malaking simbahan.
Pagkatapos ng misa ako ay bumababa mula sa altar, upang kausapin ang aking kaibigan na kaibigan mo rin pala, at ikaw ay sinimulan nang ipinakilala. Saglit na sandali lamang iyon, subalit ang hindi ko malilimutan ay 'yung kung paano mo ako 'di pinansin at tsaka mo ako tinalikuran. Buhat noon hindi na kita malimutan.

Lumipas ang mga taon, natatandaan pa rin kita. Hanggang sa nagkaroon ako ng pagkakataon na hanapin at makausap ka. Kinuha ko ang numero mo mula pa rin sa kaibigan ko na kaibigan mo rin pala, at iyon na ang naging simula upang makagawa tayo ng mahiwagang tadhana. Anong saya ang makausap ka. May mga sikreto kang binabanggit, 'wag kang mag-alala, ito'y nananatiling nakatakip. May mahal ka, na may mahal na ring iba, at ayaw mong makipagsabayan sakanya dahil 'di mo gustong maging reserba ng iba. Natatandaan ko pa ang mga sakit na ibinahagi mo;na kung paano ka iniwan, at lakbayin ang madilim mong mundo. Naisip ko na lang din, na sa dami ng babae na nasaktan ko, heto ako ngayon--taga-pakinig ng damdamin mong naghihinagpis.

Naging sandigan mo ako sa mga sumunod na kaganapan sa buhay mo. Nagmahalan tayo, at kasabay noon ay ang pagyakap ko sa mga sakit na dinaramdam mo. Sakit na patuloy na nadaragdagan; sakit na kahit kailan imposible nang mawala. Pero gusto ko lang malaman mo, hindi na ako ang taga-pakinig ng hikbi mo. Hindi na ako ang sandalan mo. Dahil ako na mismo ang magdadala ng lahat nang ito, sa bawat segundo, sa bawat minuto, sa bawat oras--sa bawat araw na lumilipas. Hangga't may hanging inilalabas ang katawan ko, habang tumitibok ang puso ko, at habang naniniwala ka sa ''tayo'', kasama mo ako.

Comments

Popular Posts